Manila, Philippines – Naniniwala ang grupong Hukbong Federal ng Pilipinas (HFP) na pangunahing layunin ng isinusulong na federal form of government ay magkaroon ng trabaho, kapayaan at hustisya sa Pilipinas.
Ayon kay National Chairman HFP Domingo Cañero Siyam na federal estates ang nakapaloob sa kanilang panukala kung saan ang bawat estado ay mabibigyan ng pantay na kapangyarihan sa pangangasiwa ng gobyerno.
Ibinase umano nila ito sa kanilang isinagawang pag-aaral sa gross domestic product ng bansa at unemployment rate.
Paliwanag ni Cañero , hindi uubra kung gagawing labing dalawa ang federal estates dahil liliit ang teritoryo na sasaklawin ng bawat estado.
Batay sa kanilang panukala, isasama sa Metro Manila ang CALABARZON area o Cavite, Laguna, Batangas at Rizal bilang isa sa mga federal estate.
Sa pamamagitan nito ay mas mapalalakas aniya ang ekonomiya sa mga nabanggit na lugar kung saan hindi na kailangan pang makipagsiksikan ng mga taga-Calabarzon sa Metro Manila dahil pantay-pantay na ang kanilang matatamasa na kapangyarihan mula sa trabaho, kalakal at komersiyo.
Nakasaad din sa panukala na mawawala na ang provincial government at ang buwis na makakalap ng bawat federal estate ay dederetso na sa city o municipal government.