Mapanganib at hindi makataong aksyon ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal, kinondena ng DND

Mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang mapanganib at hindi makataong aksyon ng Chinese Maritime Forces laban sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal.

Matatandaan na tatlong Pilipinong mangingisda ang nasugatan matapos umano silang bombahin ng tubig, agresibong maniobrahan, at putulan ng anchor line—na nagresulta rin sa pagkasira ng dalawang bangkang pangisda.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ilegal at walang batayan ang pag-angkin ng China ng soberanya sa naturang lugar. Iginiit niyang malinaw na saklaw ito ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Award na pabor sa Pilipinas.

Binatikos din ng DND ang China sa umano’y pagpapakalat ng maling naratibo kaugnay sa insidente.

Tiniyak naman ng ahensya na patuloy nitong poprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda sa pamamagitan ng mga diplomatiko at legal na hakbang alinsunod sa pandaigdigang batas.

Facebook Comments