Manila, Philippines – Nagkaisa ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec) para sa pagtataguyod ng mapayapang 2019 Midterm elections at plebisito sa bangsamoro.
Ayon kay PNP Chief, Director General Oscar Albalyalde – titiyakin nila na gagampanan nila ang kanilang tungkulin para maisagawa ng mabuti ang dalawang mahahalagang event.
Paniniguro naman ni AFP Chief of Staff, Lieutenant General Benjamin Madrigal – na walang papanigan ang militar sa mga kumakanidato ngayong halalan.
Target din ng tatlong ahensya na magpulong para talakayin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa Comelec control ang Daraga, Albay kasunod ng pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Al Parreño – maari pa ring tumaas ang bilang ng karahasan dahil sa away pulitika sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, tanging ang Daraga, Albay pa lamang ang posibleng ilagay sa pangangasiwa ng poll body.
Bago ito, nasa 18 lugar na ang tinukoy ng PNP na election hotspots.
Binabantayan din ng mga awtoridad ang extortion activities ng rebeldeng NPA.