Mapayapang BOL plebiscite sa Lanao del Norte at North Cotabato target ng PNP at AFP

Umaasa ang pamunuan ng PNP na maging mapayapa ang BOL Plebiscite ngayong araw sa Mindanao.

Ito ay dahil sa dami ng mga pulis at sundalo na magbabantay sa Lanao del Norte at North Cotabato.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Bernard Banac, nagdagdag pa sila ng puwersa sa mga bayan at barangay na may botohan.


Sa katunayan ay may mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion o RMFB mula sa Region 7 o Cebu at Region 12 na nakabase sa General Santos ang dinala sa Lanao at North Cotabato na magiging katuwang ng mga tauhan ng Militar.

Nag-iikot naman sina PNP Chief PDG Oscar Albayalde at Police Deputy Director General for Operation Archie Gamboa sa mga lugar na pagdarausan ng plebesito upang matiyak ang mapayapang ikalawang bahagi ng BOL plebiscite.

Kasunod ito ng nangyaring mga pagpapasabog kahapon sa tatlong lugar sa Lanao del Norte ngunit wala namang nasaktan.

Ang AFP naman ay naglaan ng mahigit tatlong libong sundalo para tumututok lang sa mga lugar na pagdarausan ng plebesito.

Ang plebisito ay ginagawa ngayon sa mga bayan ng Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan at Tangkal sa Lanao del Norte at 39 naman na mga Barangay sa North Cotabato mula sa mga bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pigkawayan at Pikit.

Facebook Comments