Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng mga babala na ipinakalat ng Department of Foreign Affairs sa kanilang social media accounts umaasa ang ahensya na mapipigilan o mababawasan man lang ang mga nabibiktima ng modus sa pagkuha ng mga pasaporte.
Sa mga paalalang inilabas ng DFA pinag-iingat ang publiko dahil sa naglipanang mga kawatan na nananamantala sa kagustuhan ng ating mga kababayan na makakuha ng passport dahil narin sa 10yr. validity period nito.
Ilan sa mga ito ay ang babala kung may mag-aalok na sila ang kukumpleto ng passport application form kapalit ng bayad, maliwanag na scam ito dahil lalagyan ng pekeng barcode at petsa ng appointment ang naturang form pero hindi ito tatanggapin sa anumang consular offices dahil wala itong kumpirmadong appointment.
Sa mga senior citizen, bata, may kapansanan, single parent, buntis at OFW hindi na kailangan pang kumuha ng appointment dahil maaari silang mag walk in.
Kung may mag-alok naman ng endorsement letter mula sa isang ahensya ng gobyerno para makagamit ng passport courtesy lane kapalit ng pera ay paniguradong scam din ito.