Pinamamadali ni Senator Francis Tolentino sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ang mapping ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Ginawa ni Tolentino ang apela sa NAMRIA sa gitna na rin ng napaulat na tatlong mangingisda ang nasawi matapos na banggain ang kanilang bangka ng isang commercial vessel.
Sa pagdinig para sa pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa susunod na taon, inamin ng NAMRIA na hanggang sa taong 2028 pa matatapos ang EEZ mapping kung saan kasama na rito ang West Philippine Sea at iba pang maritime zones.
Ayon kay NAMRIA Administrator Peter Tiangco, ang mapping ay inumpisahan noong 2022 at target na matapos sa 2028.
Tinanong ni Tolentino ang NAMRIA kung bakit hindi kayang tapusin ng mas maaga ang mapping at sana aniya sa puntong iyon ay wala pang nakukuha ang China sa ating teritoryo.
Tugon dito ni Tiangco, depende ito sa funding at resources na mayroon ang ahensya.
Aniya, kung may sapat namang resources tulad ng pondo, floating assets at survey vessels ay tiyak na mas mapapaaga ang pagtatapos sa mapa.
Hindi rin aniya maaaring gamitin ng NAMRIA ang mga datos ng ibang international bodies tulad ng International Hydrographic Organization o kaya sa Google Earth dahil kailangan ang NAMRIA ang mismo ang pupunta sa dagat na isu-survey gamit ang multi-beam o single beam scan sonar.
Malabo rin na maipagawa ito sa ibang bansa na may sapat na kagamitan dahil ito ay magiging banta naman sa ating national security.