Marahas na dispersal ng Eastern Police District sa Manggahan, Pasig – pinaiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara

Manggahan, Pasig – Pinaiimbestigahan ng Makabayan sa Kamara ang marahas na dispersal ng Eastern Police District sa mga nagprotestang residente ng Barangay Manggahan sa Pasig City.

Sa House Resolution 1265 na inihain nila Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Kabataan Rep. Sarah Elago, ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro at Anakpawis Rep. Ariel Casilao, pinasisiyasat sa House Committee on Human Rights ang marahas na pagpapaalis sa mga residente bunsod ng isasagawang demolisyon sa mga nakatira sa Manggahan, Floodway.

Iginiit sa resolusyon na ang Manggahan Floodway ay idineklarang public land at ibinigay sa mga residente salig sa Presidential Proclamation 1160 ni dating Pangulong Gloria Arroyo.


Nasa 20 parcels o portion ng lupa ang para sa mga residente at ipinag-utos din ang pagtatayo ng medium rise at low cost housing sa lugar.

Sa halip na pakikipag-dayalogo kay Pasig City Mayor Robert Eusebio ang inaasahang sasalubong sa mga residente ng Manggahan, nagpadala ng mga pulis para bombahin ng tubig at palayasin ang mga ito.

Aabot sa 30 katao ang sugatan sa dispersal at nasa 41 ang inaresto ng mga pulis at kinasuhan mula sa Kadamay kabilang dito ang 14 na mga babae at 10 mga menor de edad.

Bukod sa pagpapalayas sa mga residente ay wala namang inilaan na maayos na malilipatan ang lokal na pamahalaan.

Facebook Comments