Mariing kinukundena ng MAKABAYAN Bloc ang ginawang marahas na pag-aresto sa mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City na humihingi lamang ng pagkain at tulong pinansyal mula sa Lokal na Pamahalaan.
Isinisisi nila Bayan Muna Representatives Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Gabriela Rep. Arlene Brosas ang kabagalan ng gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na residente.
Nagbabala ang mga mambabatas na hindi mahihinto ang mga panawagan at paglabas ng marami sa kanilang mga tahanan kung hindi agad maaaksyunan ng pamahalaan.
Kumakalam din, anila, ang sikmura ng mga ito at kailangan na maibigay ang pangangailangan ng mga pamilya.
Hindi rin katulad ng ibang komunidad ang Sitio San Roque na ang mga pamilya ay may-ipon at maaaring manatili sa bahay dahil karamihan sa mga ganitong pamayanan ay isang kahig isang tuka, at walang maipapakain sa mga pamilya kung hindi kikilos.
Kinalampag ng mga kongresista ang pamahalaan na ibigay na sa lalong madaling panahon ang emergency subsidy program na ₱5,000 hanggang ₱ 8,000 na financial assistance para sa 18 milyong pamilyang Pilipino at iba pang social amelioration measures upang maibsan ang mahirap na epekto ng COVID-19 sa mga mamamayan.