*Cauayan City, Isabela*- Pinabulaanan ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang alegasyon sa umano’y marahas na pagtrato ng pulisya sa pagbuwag ng mga ito sa iniharang na barikada ng ilang residente upang hindi makapasok ang tatlong truck na laman ay krudo para sa Oceana Gold Philippines Incorporated (OGPI) sa Brgy. Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ayon kay LTCOL. Joseph Dela Cruz, tagapagsalita ng NVPPO, pilit na pumapailalim sa mga truck ang isang lider ng grupo para tiyakin na hindi makakapasok ang nasabing mga krudo sa kumpanya ng minahan.
Napagdesisyunan ng mga pulis sa lugar na hilahin ang nasabing lalaki dahil sa ayaw paawat sa kanyang ginagawa at para masiguro na ligtas ito sa panganib na kanyang ginawang pagharang sa sarili sa harapan ng mga truck.
Kinumpirma din ni Dela Cruz na tinatayang nasa mahigit kumulang 50 na miyembro ng pulisya ang nasa lugar ng mangyari ang insidente isang linggo na ang nakakalipas at ito ay para matiyak na walang karahasan na mangyayari.
Hindi rin umano totoo ang napabalitang pinaaalis ang mga kababaihan sa lugar gamit ang panangga ng pulisya dahil paraan lang aniya ng mga ito na makakuha ng atensyon sa iba pa ang kanilang ginagawa.
Sinusunod lang din aniya ng pulisya ang kautusan ng Lokal na Pamahalaan at walang pagpabor sa magiging operasyon ng itinuturing na isa sa malaking minahan sa bansa.
Samantala, una nang kinumpirma ng Commission on Human Rights ang insidente na marahas ang ginawang pagpapaalis ng mga awtoridad sa mga residente sa lugar.