Marahas na pagtugis sa mga aktibista sa Timog Katagalugan, pinapaimbestigahan ng mga senador

Iginiit ng mga senador sa Commission on Human Rights at sa mga kinauukulang ahensya pati sa Senado na imbestigahan ang madugong pagtugis sa mga aktibista sa Timog Katagalugan.

Diin ni Senator Leila de Lima, nagpapakita ito ng walang habas na pag-atake sa karapatang pantao na dapat matigil at kailangang mapanagot ang mga salarin.

Sabi ni De Lima, resulta na naman ito ng deriktiba umano ng Pangulo na patayin silang lahat at huwag ng isaalang-alang ang karapatang pantao.


Nagagalit si De Lima na palagi na lang umanong dinadaan sa karahasan ng rehimeng ito ang lahat, tulad ng paglaban sa ilegal na droga, insurgency, COVID-19 o kahirapan.

Tahasang sinabi ni De Lima na patunay ito na target ng umano’y “kill, kill, kill” policy ng Duterte administration ang mga kritiko ng gobyerno, aktibista, at naghahanap ng katotohanan.

Giit naman ni Senator Risa Hontiveros, dapat itong kondenahin dahil patunay ng pagsusulong ng administrasyon ng matinding karahasan, kawalan ng katarungan, at bigong pagpapatupad ng batas.

Paalala naman ni Senator Grace Poe, sa ilalim ng Konstitusyon ay may due process na dapat masunod sa operasyon ng pulisya laban sa sinuman o alinmang grupo.

Sinabi naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, bilang pagsunod sa anti-insurgency operations na deriktiba ng Commander-in-Chief o Pangulo ay dapat tiyakin ng mga lider ng kapulisan na ang paggamit nila ng baril ay bilang depensa lang sa mga armadong tinutugis.

Facebook Comments