Marami pang biktima ni Pastor Apollo Quiboloy, haharap sa Senado; pagharap ni Quiboloy sa korte, malaking tulong para sa pagkamit ng hustisya

Haharap pa sa Senado ang maraming biktima ng pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy.

Reaksyon ito ni Senator Risa Hontiveros matapos ang pagharap kaninang umaga ni Quiboloy at ng iba pang kasabwat nito sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 kung saan naghain ito ng “not guilty plea” kaugnay sa kaso nitong qualified human trafficking.

Ayon kay Hontiveros, sunod na papaharapin si Quiboloy at ang mga kapwa akusado nito Senado.


Aniya, marami pang biktima ang nagpahayag ng pagnanais na tumestigo sa mataas na kapulungan para ilaban ang kanilang pagkatao, dignidad, at ang buong katotohanan sa mga krimeng ginawa sa kanila ng pastor.

Giit ng mambabatas, karapat-dapat lamang na managot sa batas si Quiboloy dahil nagdulot siya ng hindi matatawarang sakit sa mga kababaihan, kabataan, at mga vulnerable na myembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Naniniwala si Hontiveros na ang pagpapaharap kina Quiboloy at sa mga kasabwat nito sa hukuman ay malaking hakbang para makamit ang ganap na hustisya para sa mga biktima.

Facebook Comments