Maraming senador ang magwi-withdraw ng kanilang co-authorship sa kontrobersyal na Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill sa Senado.
Ito’y sa kabila ng naunang sinabi ni Senator Risa Hontiveros, pangunahing may-akda ng panukala, na mayroong 17 senador ang signatories o lumagda sa panukala na pipigil sa paglaganap ng teenage pregnancy sa bansa.
Hindi naiwasan ni Senator Joel Villanueva na ihayag ang kanyang saloobin na patuloy niyang ire-reject ang panukalang batas dahil sa nilalaman ng panukala na aniya’y nakabubudol dahil ayos naman ang titulo pero pagdating sa nilalaman ay doon na makikita ang mga nakasingit sa probisyon na hindi angkop para sa mga bata at sa ating kultura.
Katunayan aniya, narinig niyang maraming senador ang babawiin ang kanilang co-authorship sa panukala matapos na magulat sa nilalaman nitong ibabatay sa international standards ang ituturong comprehensive sexual education.
Kinukwestyon din ni Villanueva na bakit natin ibabatay ito sa international standards gayong mayroon tayong sariling guidelines, kultura at paniniwala na maaaring doon naman hugutin ang mga dapat na ituro sa mga bata.