Maraming anggulo ang tinitingnan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa paglihis sa runway ng eroplano ng Cebu Pacific kahapon.
Ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, kabilang sa maaaring dahilan ay ang panahon, human error, kundisyon ng eroplano at iba pa.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ng CAAP ang eksaktong sanhi ng nasabing insidente.
Magugunitang kahapon ay ilang international at domestic flights ang naantala ang paglapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex matapos ang nangyaring excursion ng eroplano ng Cebu Pacific na mula sa Naga, Camarines Sur.
Ligtas naman na nakababa ang 42 pasahero at apat na crew nito.
Pasado ala-1:00 na ng hapon kahapon nang muling buksan ang runway sa outbound at inbound flights sa NAIA habang ang iba naman ay na-divert sa Clark International Airport.