Maraming Kolorum na Tricycle sa Tuguegarao City, Pinuna

Pinuna ang mga kolorum na tricycle na naglipana ngayon sa Lungsod ng Tuguegarao.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay 3rd Distrct Congressman Randolph Randy Ting sa programang Straight to the Point ngayong araw, Abril 26, 2018 ay kanyang binanggit na mukhang hindi na yata nakokontrol ang paglipana ng mga illegal na tricycle sa lungsod.

Magugunitang maliban sa Cabanatuan, ang ang Tuguegarao City ay kilalang lugar na may napakaraming tricycle na tumatakbo sa mga lansangan nito.


Nasabi pa ng congressman na sa likod ng napakaraming mga nakikitang kasapi ng Public Order and Safety Unit (POSU) ay mukhang napapabayaan ang pagbabawal sa mga naglipanang mga kolurom na tricycle.

Sabi pa niya na ang Tricycle Regulation Unit ng lungsod ay mukhang hindi rin nagagawang masawata ang mga kolorum na sasakyan.

Samantala, sa panayam naman ng RMN News kay Tuguegarao City Information Officer Sherwin Bariaun ay kanyang sinabi na tuloy tuloy naman umano ang ginagawang pagpapatupad ng mga tuntunin tungkol sa mga kolorum na tricycle sa lungsod.

Kanya pang sinabi na ang suliranin sa kasalukuyang sitwasyon ng mga tricycle sa Tuguegarao City ay dahil sa kapabayaan ng nakalipas na administrasyon.

Sabi pa niya na malaking tulong ang mga bagong street light ng Tuguegarao City upang maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod.

Dagdag niya na sa ngayon ay mayroong pitong libong prangkisa ng tricycle sa lungsod ng Tuguegarao.

Facebook Comments