Maraming kompanya sa bansa, may paglabag sa batas kaugnay sa kaligtasan at kalusugan ng mga empleyado nito ayon sa DOLE

Inamin ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Occupational Safety and Health Center (OSHC) na maraming mga kompanya sa bansa ang may mga paglabag sa batas.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOLE-OSHC Executive Director Noel Binag na nagsagawa sila ng mga pag-inspeksyon sa mga lugar ng trabaho at karamihan sa mga nakita nilang paglabag ay ang kawalan ng safety officer ng mga kompanya.

Dagdag pa ni Binag, wala ring safety and health committee ang mga naturang kompanya na isa sa mga requirement sa ilalim Republic Act No. 11058 para matiyak ang kaligtasan at health programs para sa lahat ng mga empleyado.


Ang mga nasabing komite ay dapat binubuo ng isang kinatawan ng employer bilang chairperson, isang safety officer ng kompanya o proyekto bilang secretary, isang safety officer na kumakatawan sa contractor o sub- contractor at mga doktor bilang mga miyembro at mga kinatawan ng unyon kung kinakailangan.

Ang pahayag ni Binag sa gitna ng insidenteng pagbagsak ng ginagawang elevator sa isang gusali sa Makati City at pagguho ng pader sa Tagaytay City noong Lunes.

Tumanggi naman magkomento si Binag hinggil sa mga nasabing insidente dahil hindi pa niya nababasa ang ulat ng kanilang regional directors.

Facebook Comments