Maraming mga magulang ang pabor sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes

Lumabas sa isang survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na 44% porsyento ang mga magulang at guardians na pabor sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, habang 33% ang hindi sigurado, at 23% ang hindi pabor.

Lumalabas sa survey na sa mga magulang o guardian na sang-ayon sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, ay mahigit 73% ang mula sa Class E, 61% ang mula sa Class D, at 55% sa Class ABC.

Ayon kay Gatchalian, sa nabanggit na survey na isinagawa noong June 7-16 ay idinahilan ng mga magulang na pabor sa face-to-face classes na mas natututo sa paaralan ang mga mag-aaral kaysa sa kanilang mga tahanan.


Binanggit ni Gatchalian na sa mga kalahok sa survey na may anak sa basic education ay halos 12 porsyento ang hindi nag-enroll ng kanilang mga anak at karamihan sa mga ito ay nasa Class D at E.

Dagdag pa ni Gatchalian, malinaw na ang pinsala ng mahigit isang taong pagsasara ng mga paaralan ay mas mabigat para sa mga magulang at mag-aaral na nangangailangan.

Dahil dito ay iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan na matiyak na may mga mabisang programang ipapatupad upang hindi sila lalong mapag-iwanan.

Facebook Comments