Pinuna ng Department of Health (DOH) ang hindi pagsunod ng mga ospital sa patakaran na magdagdag ng COVID-19 beds ngayong tumaas ang bilang ng mga tinatamaan ng virus.
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, alinsunod sa panuntunan, dapat 30 percent ng bed capacity ng mga pribadong ospital ay dapat ilaan sa COVID-19 patients.
Sa pampublikong pagamutan naman ay kailangang maglaan ng 50 percent ng kanilang mga kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na sa ngayon ay 59 lamang mula sa mahigit 400 ospital ng gobyerno ang nakasunod sa naturang patakaran.
Sa 800 naman na mga pribadong pagamutan, 220 pa lamang ang naglaan ng 30 percent ng kanilang bed capacity para sa COVID-19.
Facebook Comments