Maraming permits at mabagal na proseso, dahilan kaya kakaunti ang cell towers sa bansa

 

Isinisisi ng mga service providers ang mabagal na proseso at madaming permits na hinihingi bago makapagpatayo ng mga bagong cell towers.

 

Sa pagdinig ng House Committee on Information and Communications Technology tinukoy ni DICT Acting Sec. Eliseo Rio Jr., aabot lamang sa 18,000 ang nakatayong cell tower sa buong bansa.

 

Kinakailangang makapagpatayo ng 50,000 cell towers para maabot ang ideal ratio na 1 tower sa kada 1,000 subscribers.


 

Pero, sinabi naman ni Atty. Vicente Castelo ng Globe Telecom, ang napakaraming permit na aabot sa 25 at ang siyam na buwang proseso bago makapagtayo ng cell tower ang dahilan kaya hindi sila agad makapagpatayo ng mga dagdag na cell towers.

 

Pumayag naman ang mga telco companies na isumite sa komite ang listahan ng mga local government units na umano’y nang-iipit sa kanila para bumagal ang pagpapatayo ng cell towers.

 

Samantala, itinutulak din ng komite ang pagkakaroon ng common tower o ang paggamit ng isang tower ng lahat ng telco players para makatipid sa gastusin ang mga telcos at bumaba ang singil sa mga subcribers.

Facebook Comments