Manila, Philippines – Ngayong araw hanggang February 6 ay magbubukas muli ang session ng dalawang kapulungan.
Ayon kay Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda, ipagpapatuloy din nila ang umaga at hapon na session para sa pagbusisi ng panukalang pambansang budget para sa kasalukuyang taon.
Kabilang sa nakalinyang isalang sa deliberasyon ng Senado ang pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Tourism (DOT), Department of National Defense (DND) at Department of Health (DOH).
Nakapila din sa pagbusisi ang budget ng Bureau of Immigration (BI), Commission on Elections (Comelec), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Target ng Senado na aprubahan ang budget sa January 21, para agad maisalang sa bicameral conference committee at maratipikahan ng mataas at mababang kapulungan bago ang huling session.
Ayon kay Legarda, sa ikalawang linggo ng Pebrero ay inaasahang naiakyat na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 budget para lagdaan at maipatupad.
Diin ni Legarda, kahit kapos sa panahon ay titiyakin nilang mahimay na mabuti ang budget upang matiyak na bawat piso mula sa mamamayan ay magagamit para sa nararapat na serbisyo sa publiko.
Samantala, pagkabukas ng session ngayong alas dyes ng umaga ay magpapatawag muna ng caucaus si Senate President Tito Sotto III para talakayin ang ilang mahalagang mga usapin.
Pangunahin dito ang hirit ng Kamara na isalang pa sa bicameral conference committee ang naipasang panukala na bumubuwag sa Road Board.