Marathon sessions para sa proposed 2018 budget, sisimulan na ng Senado

Manila, Philippines – Ngayong araw ay sisimula na ng Senado ang umagat’hapon na marathon sessions para maisagawa ang debate sa plenaryo para sa panukalang 2018 national budget na nagkakahalaga ng P3.767 trillion.

Ngayong umaga ay ilalatag na ni Finance Committee Chairperson Senadora Loren Legarda sa plenaryo ang bersyon ng Senado ng 2018 General Appropriations Act.

Agad itong susundan interpellation on general principles.


Mamayang hapon naman ay uunahing isalang para sa pagsusuri ng lahat ng miyembro ng mataas na kapulungan ay ang panukalang budget ng ilang ahensya ng gobyerno.

Una rito ang Department of Finance, Development Bank of the Philippines, Landbank of the Phils., at Department of Budget and Management.

Gayundin ang alokasyon para sa mga LGUs, National Disaster Risk Reduction and Management Fund, Calamity Funds, Contingency Funds, Pension and Gratuity Fund, at ang un-programmed appropriations.

Ayon kay Senator Legarda, sisikapin nilang matapos ang debate sa budget ng lahat ng ahensya bago mag-adjourn ang kongreso ngayong October 12 para sa isang-buwang recess.

Plano aniya ng senado na ma-aprubahan sa pangalawa at ikatlong pagbasa ang 2018 General Appropriations Bill sa kanilang pagbabalik sesyon sa Nobyembre.

Agad din itong susundan ng pagpupulong ng bicameral conference committee upang mapag-isa ng Senado at Kamara ang kanilang pagkakaiba sa kani-kanilang mga bersyon.

Sabi ni Legarda, target nilang maisumite ang 2018 general appropriations bill kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang linggo ng Disyembre upang maisabatas ito bago magpasko.

Facebook Comments