Marawi Compensation Bill, lusot na sa committee level; ₱30-B hanggang ₱50-B na kabayaran sa mga residente ng Marawi, isinusulong

Pasado na sa House Committee on Disaster Resilience ang panukala na magbibigay ng monetary compensation sa mga residente na naapektuhan ng Marawi siege.

Ayon kay Deputy Speaker Mujiv Hataman, wala munang inilagay kung magkano ang halaga na ibabayad sa mga residente dahil maaaring amyendahan ng plenaryo ng Kamara ang tatlong consolidated bill.

Sa pagtaya ng Mindanaon solon, nasa 95% ang nawasak sa main battle area ng Marawi City na para sa mambabatas ay malaking hamon para sa pamahalaan sa isinasagawang rehabilitation effort.


Sa ilalim ng House Bill 3418 ni Lanao del Sur Rep. Ansaruddin Abdul Malik Adiong, ₱50 bilyon ang kailangang ilaan ng pamahalaan sa loob ng limang taon para sa kompensasyon sa mga residente.

Sa halagang ito, ₱10 bilyon ay magmumula sa national budget at ang ₱40 bilyon ay sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Gaming Corporation (PAGCOR).

Samantala, sa House Bill Nos. 3543 at 3922, ipinapanukala naman ang halagang ₱30 bilyon para sa mga apektado ng giyera na kukunin sa pambansang pondo na hahatiin sa tatlong taon.

Nakasaad din sa mga panukala ang pagbuo ng Marawi Compensation Board na silang tutukoy at magbabantay sa legitimate claimants.

Facebook Comments