Hinimok ni House Deputy Speaker Mujiv Hataman si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang Marawi Compensation Bill.
Apela ni Hataman, napakatagal na ng panukala at marami ng ibang sakuna ang tumama sa bansa pero nahuhuli pa rin sa pila ang tulong sa mga taga-Marawi.
Giit pa nito, apat na taon na ang nakalipas na dapat sana’y natapos na ang rebuilding at rehabilitation sa lugar matapos ang sagupaan ng gobyerno at mga teroristang grupo.
Pinamamadali rin ng kongresista sa Kamara at Senado ang pag-apruba sa panukala bago pa man muling masimulan ang deliberasyon at pagtibayin ang pondo para sa 2022.
Bukod dito, posibleng matabunan ang panukala ng ibang usapin tulad ng Charter Change at pagpapalawig ng transition period ng BARMM.
Ayon pa kay Hataman, bilang taga-Mindanao at isang Moro ay nananawagan siya kay Pangulong Duterte na sa huling State of the Nation Address (SONA) nito ngayong taon ay maipasa na ang Marawi Compensation Bill upang maisama rin sa kanyang legacy bago matapos ang kanyang termino.
Sa kasalukuyan ay nakapasa sa committee level ang panukala sa Kamara habang nakabinbin pa rin ito sa Senado.