Pinasesertipikahang urgent ng ilang kongresista ang Marawi Compensation Bill kasabay ng paggunita ng ikaapat na taon na “liberation” o paglaya ng Marawi mula sa mga teroristang Maute group.
Umaasa si Anak Mindanao Party-list Rep. Amihilda Sangcopan na masesertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang Marawi Compensation Act upang maging ganap na batas na bago pa man matapos ang taon.
Sa Kamara ay napagtibay na ito sa ikatlo at huling pagbasa habang sa Senado ay nakabinbin pa rin ito sa komite.
Sa ilalim ng panukala ay makatatanggap ng kompensasyon o kabayaran ang mga kwalipikadong benepisyaryo na nawalan ng tahanan at negosyong pag-aari dulot ng gyera sa pagitan ng militar at teroristang grupo.
Wala namang partikular na halaga ng kabayaran sa mga apektado ng Marawi siege ngunit ang budgetary requirement dito ay kukunin sa 2022 General Appropriations Act.
Pinamamadali rin ni Sangcopan ang pangakong rehabilitasyon sa Marawi upang makabalik na agad sa kanilang mga tahanan ang mga residente.
Bagama’t ikinatuwa ng mambabatas ang dedikasyon ng pangulo na maibalik sa dating “glory” o kabantugan ang lugar, mas dapat naman aniyang unahin at bigyang halaga ng pamahalaan ang muling pagbangon ng mga buhay ng mga lumikas na pamilya.