Nakikipag-usap na ang lokal na pamahalaan ng Marawi sa mga may-ari ng lupang tinitirikan ng mga temporary shelter ng Internally Displaced Persons (IDP).
Kasunod ito ng pangamba ng mga ito na mawalan sila ng tirahan at kailangang magbayad ng renta para sa mga temporary shelters bunsod ng nalalapit na pag-expire ng kontrata sa private landowners sa susunod na buwan.
Sinabi ni Marawi Mayor Majul Usman Gandamra, aapela sila sa mga ito na palawigin ang pamamalagi ng mga IDPs sa lugar.
Ayon kay Gandamra, naiitindihan naman ng ilang may-ari ang pangangailangan ng mga IDPs at kahit hindi pumayag ang lahat ay may nakalatag silang contingency plans para rito.
Batay sa datos ng Task Force Bangon Marawi, nasa 4,916 transitory shelters pa rin ang nananatiling okupado sa iba’t-ibang bahagi ng Marawi at karamihan dito ay naghihintay pa rin sa ipinangakong kompensasyon sa kanilang mga bahay na sinira sa kasagsagan ng Marawi siege noong 2017.