Tiniyak ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na patuloy itong magtatrabaho para sa rehabilitasyon ng Marawi City kasabay ng selebrasyon ng ika-limang anibersaryo ng paglaya ng Marawi mula sa kamay ng mga teroristang kumubkob sa lungsod noong 2017.
Ayon kay Assistant Secretary for Regional Operations Daryll Bryan Villanueva, bagama’t nakumpleto na ang pagsasaayos ng mga nasirang pasilidad at imprastraktura ng siyudad, isinasapinal na nila ang mga on going pipeline projects na makatutulong sa pagpapaandar ng ekonomiya ng maituturing na premiere Muslim City sa bansa.
Kabilang sa mga natapos na proyekyo ng mga implementing agencies at mga partner-organization ay ang 28-kilometer road networks at mga nasirang tulay at mga barangay complex.
Kasama rin dito ang mga iba pang istraktura gaya ng Marawi Museum, mga eskwelahan at ang Marawi Convention Center.
Nakumpleto rin ang nasa 4,916 na transitory shelters sa Marawi.
Abot sa 1,887 na permanent shelters mula sa targeted 2,800 units ang naipatayo ng National Housing Authority, UN-Habitat, Social Housing Finance Corporation at ng BARMM.