Halos 65 percent nang nakukumpleto ang rehabilitasyon ng Marawi, makalipas ang apat na taon nang padapain ito ng bakbakan sa pagitan ng militar at Daesh inspired Maute group.
Ayon kay Task Force Bangon Marawi Chairperson Eduardo del Rosario, halos papatapos na ang mga road network at iba pang imprastraktura sa ground zero.
Nasa final phase na aniya ang nagpapatuloy na rehabilitasyon at contracting ang time table nito.
Sa Oktubre ay inaasahang matatapos na ang mga road networks at pwede nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga internally displaced individuals.
Ayon naman kay Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra, halos nasa limang libong building permit ang kanilang naaprubahan.
Inaantay na lang nila na maaprubahan sa Kongreso ang Marawi Compensation Bill para tulungan ang mga apektadong residente na maipagawa ang mga nawasak nilang mga tahanan.
Kabilang sa mga maaring magbenepisyo sa libreng pabahay ay ang may 2,000 na residente ng Pamayandig Ranao sa Gadungan, Marawi City.