Pinaaamyendahan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Republic Act 11696 o ang Marawi Siege Compensation Act of 2022.
Inihain ng senador ang Senate Bill 2828 na layong maisama ang ilang barangay na may mga biktima ng giyera ng Marawi na hindi kasama sa mabibigyan ng kompensasyon o kabayaran mula sa pinsalang tinamo dulot ng nangyaring kaguluhan.
Ayon kay Dela Rosa, bagama’t stable naman ang batas nakitaan pa rin ito ng butas dahil marami sa mga biktima ng giyera sa Marawi ang hindi kasama sa listahan ng Main Affected Areas (MAA) o Other Affected Areas (OAA).
Tinukoy ng mambabatas na maraming claimant at civil organization ang umaapela na irekonsidera ang kanilang aplikasyon hinggil sa “fair market value” sa pagtukoy sa halaga ng ibibigay sa kanila na monetary compensation.
Iginiit ni Dela Rosa na ang mga problemang ito ay taliwas sa intensyon ng batas na maibigay ang pinansyal na tulong at hustisya sa lahat ng mga naging biktima ng giyera para sa kanilang muling pagbangon at pagbabalik sa lipunan.
Nabatid na nasa 64 na barangay pa ang dapat na maisama sa listahan dahil sa pinsalang natamo ng mga residente sa kanilang mga mahahalagang ari-arian nang sumiklab ang kaguluhan.