Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi sana naganap ang madugo at mapanirang pambobomba sa Marawi noong 2017, kung umiiral na noon ang Anti-Terrorism Act of 2020 na may klaro at mabibigat na probisyon laban sa terorismo.
Sa kanyang pagsasalita sa online forum ng League of Provinces of the Philippines (LPP), binigyang-diin ni Lacson na kung noon pa ay may mas matapang na batas na laban sa terorismo, siguradong napigilan ang karahasan at nailigtas ang maraming buhay at ari-arian.
Sabi ni Lacson, sa Anti-Terrorism Bill ay kasamang paparusahan kahit ang planning, training, preparing at pagtulong sa pagsasagawa ng terorismo, at pipigilan din nito ang terorista sa pag-access sa kanilang bank accounts.
Ayon kay Lacson, dahil ito ay maihahambing ang pagsugpo sa terorismo sa pagputol sa pinagmumulan ng lakas nito upang hindi na magkasanga pa.
Ang panukala ay umani ng kaliwa’t kanang pagsuporta buhat sa mga gobernador na miyembro ng LPP na pinangunahan ng presidente nito na si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., na isa ring dating hukom ng Korte Suprema.
Nagpahayag din ng suporta sa Anti-Terrorism Bill ang Union of Local Authorities of the Philippines na pinamumunuan ni Quirino Government Dakila Carlo Cua, gayundin sina Palawan Governor Jose “Pepito” Alvarez, Cagayan Governor Manuel Mamba at Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Giit nila, napapanahon nang maisabatas ang Anti-Terrorism Bill dahil sa banta ng terorismo sa kanilang rehiyon at tiwala sila na kahit kelan ay hindi ito magagamit laban sa peace and freedom-loving Filipinos.