Marc Anthony Ventura, umamin na isa siya sa mga pumalo kay Atio Castillo

Manila, Philippines – Inamin ni respondent-turned witness Marc Anthony Ventura na isa siya sa mga pumalo ng wooden spatula kay hazing victim Horacio Castillo III.

Gayunman, nilinaw ni Ventura sa kanyang affidavit na layon ng pagpalo nila ng spatula sa braso ni Atio na pahupain ang maga nito.

Kabilang aniya sa kasama niyang pumalo ng spatula sa braso ni Atio ay sina Zach Abulencia, Daniel Ragos, Sam Cagalingan, Alex Cairo, Edric Pilapil, Miguel Salamat, Robin Ramos, Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Oliver Onofre, Marcelino Bagtang, Hans Rodrigo, Ralph Trangia, Axel Hipe at Joriel Macabali.


Ayon pa kay Ventura, alas dos ng madaling araw sinimulan ang final rites pero bago aniya ito sinimulan ay pinag-stretching muna si Atio.

Minarkahan din aniya ang hita ni Atio gamit ang marker, mula sa pagitan ng ilalim ng pwet at sa taas ng likod ng tuhod sa magkabilang hita para maging target at hindi tamaan ang mga maselang bahagi ng katawan.

Si Axel Hipe na master initiator ang unang pumalo ng paddle kay Atio, ang ikalawang paddle ay nanggaling kay Ralph Trangia, ang ikatlong paddle ay nanggaling kay Arvin Balag.

Sa ikatlong palo ng paddle, napaluhod aniya si Atio, pero nang siya ay kumalma, muli siyang pinalo ng paddle ng pang-apat na beses ng isang bagong brod na hindi niya nakilala pero namumukhaan niya.

Sa ikalimang palo ng paddle, dito na raw napasubsob at nag-collapse si Atio, pero umuungol pa raw ito kapag tinatawag.

Facebook Comments