Iimbestigahan na ng PBA ang umano’y game fixing na nangyari sa ilang games ng liga.
Ito ay matapos lumabas ang ulat na isang Singaporean national na kinilalang si Koa Wei Quan ang sinubukang magbayad sa ilang taga PBA at Thailand Basketball League para sa game fixing.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, iimbestigahan ito nang mabuti lalo’t marami ang nadadawit sa isyu.
Sinasabing sinuhulan umano ni KOA ng 5,000 dollars o katumbas ng 280,000 pesos si Ian Sanggalang ng Magnolia noong April 6, 2018.
Nakipag-tulungan din umano ito sa ilang indibidwal para maimpluwensiyahan ang resulta ng game 5 ng PBA Philippine Cup Finals kontra San Miguel Beermen.
Nagwagi noon ang Beermen sa score na 108-99.
Bukod kay Sangalang, dawit din ang ilang players ng Blackwater Elite sa kanila namang naging laban kontra Columbian Dyip sa PBA Commissioner’s Cup.
Tinangka rin umano ng Singaporean national na mag-alok ng 1.5 million pesos sa Blackwater players noong April 25, 2018 para sa panalo kontra Phoenix Fuel Masters.
Isa pang dawit sa kontrobersiya ang pinoy player na si Almond Vosotros na naglalaro sa Thailand Basketball League na inalok daw ng 1,200 dollars.
Hindi naman tiyak kung tinanggap ng mga dawit na player ang perang alok sa kanila.
Samantala, aabot sa limang taong pagkaka-kulong at isandaang libong dolyar na multa ang kakaharapin ni KOA sakaling mapatunayan ang mga alegasyon.