Target ng Department of Human Settlements and Urban Developments (DHSUD) na makapagtayo ng anim na milyong bahay.
Ito ang inihayag ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar kasabay ng selebrasyon ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino: Zero ISF 2028 Program na flagship housing program ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa kalihim, sisikapin nilang makapagpatayo ng isang milyong bahay kada taon para sa mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa interview naman ng RMN DZXL 558, kinumpirma ni National Housing Authority (nha) General Manager Joeben Tai na nasa 20,000 bahay ang ipamamahagi nila bago matapos ang 2022.
Bahagi aniya ito ng 1.3 milyong pabahay na target din nilang maitayo sa loob ng anim na taon.
Magiging benepisyaryo nito ang mga informal settler at mga residenteng apektado ng sakuna kung saan nasa P500 hanggang P1,000 lamang ang buwanang renta na babayaran nila sa loob ng 25 hanggang 30 taon.
“Ang NHA po kasi dati, ang ginagawa lang po ay magtayo ng bahay. But under my watch, I want to build a sustainable community. Hindi lang bahay ang gagawin, kundi isang komunidad. May community facilities, may basketball court, may eskwelahan, may terminal sa labas, may playground, may daycare. Gusto po natin na maging community para mai-uplift ang buhay ng ating mga kababayan,” saad ni Acuzar.
“Ang pinapakiusap lang po namin sa ating mga benepisyaryo, sana po ‘wag po nating ibebenta or parerentahan ang inyong pabahay,” dagdag ng Kalihim.
Samantala, plano rin ng NHA na magtayo ng mga murang pabahay para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).