Marcos administration, gumagawa nang mga hakbang para matigil na ang panggugulo ng mga rebelde

Siniguro ng Marcos administration sa publiko na gumagawa sila ng mga hakbang para hindi na makapaghasik ng kaguluhan ang mga rebelde sa Masbate.

Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cheloy Garafil matapos ng serye ng bakbakan sa pagitan mga rebelde at tropa ng pamahalaan ngayong linggo.

Kasunod naman ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., na nagpulong na ang 9th Infantry Division ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) Regional Command sa Bicol para paigtingin ang presensya ng mga sundalo at pulis sa paligid ng mga paaralang apektado ng mga aktibidad ng New People’s Army o NPA.


Nakikipag-ugnayan na rin ang Army at PNP units sa mga lokal na pamahalaan at school officials bilang isa sa mga hakbang laban sa sinasabing misinformation campaign ng mga rebelde.

Inihayag rin ni Galvez na nagpasabog ng mga bomba ang NPA sa Placer at Dimasalang, Masbate matapos baklasin ng mga tropa ng gobyerno ang mga propaganda materials ng komunistang grupo.

Sa ngayon, ayon kay Garafil, hindi muna pinapayagan ang in-person classes sa mga apektadong eskwelahan habang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Masbate matapos ang insidente ng sagupaan sa pagitan ng sundalo at NPA malapit sa isang eskwelahan sa Masbate na nagdulot ng trauma sa mga estudyante at guro.

Facebook Comments