Marcos administration, hinamon na i-regular na ang mga contractual na empleyado sa gobyerno

Hinamon ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gawing regular na ang mga kontraktwal na empleyado ng pamahalaan.

Ang hirit ng kongresista ay kasunod na rin ng inilabas na Memorandum Circular No. 1 kung saan idinedeklarang bakante ang ilang mga posisyon sa iba’t ibang ahensya at opisina ng gobyerno.

Binigyang diin ng teacher solon na karamihan sa mga contractual workers sa pamahalaan ay 5 taon ng nasa serbisyo kaya karapat-dapat lamang na ma-regular na sa trabaho sa gobyerno ang mga kontraktwal na empleyado.


Punto pa ng kongresista na mahihirapan na wakasan ang ENDO sa mga pribadong kompanya kung mismong sa gobyerno ay talamak pala ang practice na ito.

Batay sa pinakahuling tala ng Inventory of Government Human Resources, mayroong 582,378 ‘contracts of service’ o ‘job order personnel’ sa mahigit 2 milyong government employees.

Ang mga top agencies naman na maraming ‘job orders’ at ‘contracts of service’ ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Facebook Comments