Marcos administration, hindi na nagtalaga ng vaccine czar

Inamin ng Department of Health (DOH) sa Senado na wala nang itinalagang vaccine czar sa ilalim ng Marcos administration.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa non-disclosure agreement sa mga biniling COVID-19 vaccines, sinabi ni Dr. Ma. Joyce Ducusin, OIC-Director IV ng Supply Chain Management Service na mula nang magpalit ng administrasyon ay wala na ring vaccine czar na itinalaga na ang tungkulin ay tiyakin ang access ng bansa sa mga COVID-19 vaccines.

Paliwanag naman dito ni Health Asec. Frances Mae Cherryl Ontalan, bagama’t wala nang vaccine czar, ang tungkulin para tutukan ang mga bakunang papasok sa bansa ay ipinaloob na sa DOH programs.


Dagdag ni Ontalan, mayroon pa namang Inter-Agency Task Force pero ito ay ginawang isa komite na nakapaloob na rin sa DOH.

Tuluy-tuloy pa rin naman ang koordinasyon sakaling kailanganin ang pagkuha muli ng mga dagdag na bakuna.

Sa kabilang banda, hindi naman nakuntento si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino na natigil lang sa 44 million doses ang naitala ng ng DOH na expired na COVID-19 vaccines.

Giit ni Tolentino, kung tutuusin nasa 1 percent lang ang naidagdag sa mga nabakunahan ng COVID-19 booster at marami pang bakuna ang hindi pa nagagamit hanggang ngayon kaya posibleng tumaas na ang bilang ng mga bakunang expired.

Facebook Comments