Nananawagan si Senator Risa Hontiveros sa administrasyong Marcos na itodo na ang mga aksyon para tuluyang mabuwag ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, halos tatlong taon na niyang iniaapela sa pamahalaan ang tuluyang pagpapalayas ng mga POGO sa bansa kaya naman sa pagkakataong ito na mayorya ng mga myembro ng Senate Committee on Ways and Means ay lumagda sa committee report na nagrerekomenda na ipagbawal ang POGO sa bansa, ay buong-buo ang kanyang suporta sa pagsusulong dito ni committee Chair Senator Sherwin Gatchalian.
Noon pa man aniya ay naniniwala siyang tama at nararapat lang ang total ban sa POGO kaya hiling din niya na makapasa na ito sa Kongreso sa lalong madaling panahon.
Sinabi ng senadora na kung may nakuha man ang Pilipinas sa POGO ay walang-wala ito kung ikukumpara sa perwisyong idinulot nila.
Aniya pa, walang manghihinayang kapag tuluyang ipinagbawal ang lahat ng POGO sa bansa dahil puro krimen at kahalayan sa mga kababaihan ang idinulot nito.