Marcos administration, pinakikilos ng isang grupo upang tugunan ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar

Pinakikilos ng grupong Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang Marcos administration kaugnay sa patuloy na paghina ng piso laban sa mga dayuhang pananalapi.

Ito ay matapos sumadsad muli ang halaga ng piso kontra dolyar nitong October 13 sa ₱59 na siyang ikatlong beses na nagsara ito sa naturang halaga.

Ayon kay PCCI president George Barcelon, nakaapekto kasi ang paghina ng piso sa lahat ng inaangkat na produkto ng bansa lalo sa mga may kinalaman sa pagkain.


Dagdag pa ni Barcelon, dapat siguraduhin ng gobyerno na sapat ang suplay ng mga raw material sa bansa upang hindi ito magresulta ng pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na at nalalapit na ang holiday season.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PCCI sa mga miyembro ng gabinete upang makapagbahagi ng kanilang inputs dahil mas makikita ng grupo ang nangyayari on the ground.

Una nang ipinunto ng ilang ekonomista na posibleng sumampa sa ₱60 mark ang palitan ng piso kontra dolyar pero inaasahan din nila ang paglakas nito bunsod ng pagdami ng ipinadadalang remittances tuwing holiday.

Facebook Comments