Siniguro ng administrasyong Marcos na magpapatuloy ang suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga nabibilang sa vulnerable sectors sa harap na rin ng pagtaas ng inflation nitong buwan ng Setyembre.
Ayon sa Presidential Communications Office, magpapatuloy ang hakbang kasabay nang ipinatutupad na mga hakbang bilang tugon sa naitalang pagtaas ng inflation ng nakaraang buwan.
Ang tulong, ayon sa PCO ay tuloy-tuloy na ibibigay sa mga mamimili maging sa mga magsasaka sa harap ng naging pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin nitong nakaraang Setyembre.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 6.1 percent mula sa 5.1 percent nitong Agosto ang inflation rate.
Ang pagtaas ayon sa PSC ay sanhi umano ng pagtaas sa halaga ng pagkain na pumalo sa 10 % mula sa 8.2% noong Agosto.
Naitala rin ang mataas sa inflation particular sa bigas na tumaas ng 17.9 percent mula 8.7 percent, habang tumaas din ang food inflation sa karne na umabot sa 1.3 percent mula sa negative 0.1 percent.
Maging ang prutas ay tumaas din sa 11.6 percent mula 9.6 percent kabilang pa ang mais na tumaas sa 1.6 percent mula sa 0.9 percent.