Manila, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon nito hinggil sa legalidad ng paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Atty. Theodore Te, ang tagapagsalita ng Supreme Court, ito ay makaraang ibasura ang Motion for Reconsideration na inihain ng mga petitioners dahil walang nakitang pag-abuso o grave abuse of discretion.
Matatandaan nuong Nobyembre ng nakalipas na taon, pinaboran ng mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang paglilibing sa dating Pangulo sa LNMB.
Nakasaad sa desisyon ng SC na hindi inabuso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kapangyarihan sa pagsusulong na mailibing si Marcos sa LNMB.
Wala ring batas na nagbabawal na ilipat ang mga labi ni Marcos sa LNMB mula sa Batac, Ilocos Norte.
Hindi rin maaaring obligahin si Duterte na sundin ang kasunduan noon ng pamilya Marcos at ni dating Pangulong Fidel Ramos na ginawa noong 1992.
Binigyan-pansin ng mga mahistrado ang intensyon ni Duterte sa likod ng pagsusulong na ihimlay si Marcos sa LNMB
Binalewala din ng SC ang katwiran ng mga nagpetisyon na pambayad-utang ang dahilan ni Duterte kaya pinili nitong mailibing si Marcos sa LNMB dahil sa nakuhang suporta para manalo noong nagdaang halalan.