Marcos Day sa Ilocos Norte, aprubado na sa Senate Committee Level pero kinokontra ni Senator Pangilinan

Inaprubahan na ng Senate Committee on Local Government ang panukalang pagdeklara sa September 11 na kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bilang local holiday sa Ilocos Norte.

Nagmula ang panukala sa Kamara na iniakda nina Ilocos Norte Congresswoman Ria Fariñas, Ilocos Norte Congressman Angelo Marcos at Probinsyano Ako Partylist Representative Rudy Fariñas.

Base sa panukala, makakaaakit ng mga lokal at dayuhang turista ang mga selebrasyong gaganapin sa Ilocos Norte kaugnay sa paggunita sa kaarawan ni dating Pangulong Marcos.


Mariin naman itong tinutulan ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa katwirang hindi aniya nararapat na parangalan ang isang diktador at magnanakaw.

Ipinunto ni Pangilinan na sa pagsasabatas ng Human Rights Compensation Measure noong 2013, ay kinilala ng Kongreso ang malawakang pang-aabuso at kalupitan ng rehimeng Marcos.

Giit pa ni Pangilinan, ang 10 bilyong pisong inilaan bilang danyos sa libu-libo nitong biktima ay malinaw na galing sa binawing nakaw na yaman ng mga Marcos dahil ito ay idineklarang ‘ill-gotten’ ng mismong Korte Suprema.

Facebook Comments