Naniniwala si Vice President Sara Duterte na hindi na matatag ang gobyernong Marcos sa gitna ng hindi makontrol na kontrobersyal na mga flood control projects na kinasangkutan ng mga kaalyado ng pangulo.

Ito ang inihayag ni VP Duterte sa ginanap na pulong balitaan matapos maaprubahan sa Senate Committee on Finance ang higit ₱902 million na 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay Duterte, malinaw na inabuso ng mga nasa posisyon ang institusyon dahil ginamit ang pera ng taumbayan para sa personal gain o pansariling kapakanan.

Wala aniyang nangyayari ngayon sa bansa dahil sa mga katiwalian at wala ring nakitang proyekto ngayon na nakatulong sa bansa.

Sinabi pa ni VP Sara na noong dinala ang plataporma ng “unity at continuity”, inaasahan noon na maipagpapatuloy ang mga proyekto tulad ng Build, Build, Build projects ng nakaraang administrasyong Duterte subalit ni isa rito ay wala namang itinuloy.

Duda si VP Duterte na posibleng may kapabayaan si Pangulong Marcos sa mga nangyayari ngayon sa bansa tulad sa national budget na ang huling lumalagda ay ang pangulo pero nakalusot na maraming mga blangkong items.

Facebook Comments