Maria Ressa, 6 na iba pa – kinasuhan dahil sa paglabag sa anti-dummy law

Kinasuhan ng paglabag sa anti-dummy law si Rappler CEO Maria Ressa at ilang miyembro ng board ng kumpanya.

Sa inihain kaso sa Pasig Regional Trial Court, inaakusahan ni Senior Assistant City Prosecutor Randy Esteban sina Ressa at anim na iba pa sa pagpapahintulot sa banyagang kompanyang Omidyar Network Fund na manghimasok sa operasyon ng Rappler sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDR) sa investment firm noong 2015.

Nagpiyansa na ng tig P90,000 sina Rappler board members Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza at James Velasquez para sa paglabag sa anti-dummy law.


Habang hindi pa nagbabayad ng piyansa si Ressa na kasalukuyang nasa labas ng bansa.

Samantala, inaasahang kakasuhan din sila sa paglabag sa Securities Regulation Code.

Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa inilabas na kautusan ng Securities and Exchange Commission o SEC sa pagbawi sa mga papeles ng Rappler dahil sa umano’y paglabag sa probisyon sa saligang batas na nagbabawal sa “foreign ownership” ng mass media.

Facebook Comments