Tumangging magpasok ng “plea” sina Rappler CEO Maria Ressa at reporter na si Rambo Talabong sa arraignment sa Manila Regional Trial Court kaugnay ng kasong libel.
May kaugnayan ito sa kasong isinampa ni Ariel Pineda na dating professor ng College of Saint Benilde (CSB) hinggil sa istorya ng Rappler sa sinasabing “thesis for sale” sa CSB kung saan ang mga estudyante ay nagbabayad umano ng P20,000 upang makapasa sa thesis subject.
Sa arraignment ng Manila Regional Trial Court branch 24, kapwa present sina Ressa at Talabong pero hindi sila ang nagpasok ng plea kaya ang korte na lamang ang nagpasok ng “not guilty plea” para sa kanila.
Sina Ressa at Talabong ay nakatanggap ng arrest warrants at nakapag-piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Nabatid na ito ang ika-sampung arrest warrant ni Ressa.