Nagpaabot ng pagbati si Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Rappler CEO Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipino na tumanggap ng prestihiyosong Nobel Peace Prize.
Giit ni Drilon, dahil sa naturang karangalan ay otomatikong kwalipikado si Ressa sa Senate Medal of Excellence.
Paliwanag ni Drilon, batay sa Senate Resolution No. 110, ang Medal of Excellence ay para sa mga Pilipino na ginawaran ng Nobel Prize, Pulitzer Prize, A.M. Turing Award, Ramon Magsaysay Award, at Olympic medal.
Dahil dito, malinaw ayon kay Drilon na hindi na kailangan pang pagdebatehan kung gagawaran nila ng Senate Medal of Excellence si Ressa.
Sang-ayon din si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na karapat-dapat si Ressa sa Senate Medal of Excellence.
Pero paalala ni Zubiri, ang Senate Medal of Excellence ay isang institutional recognition at base sa kanilang patakaran, ang paggawad nito ay kailangang sang-ayunan ng lahat ng mga senador.
Diin naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pasok si Ressa sa mga kwalipikasyon para sa Senate Medal of Excellence at hindi dapat isantabi ang bigating pagkilalang nakamit nito.
Ipinunto pa ni Recto na kung ang mga nananalo sa boxing at mga beauty contest placers ay kinikilala ng Senado, hindi tama na dedmahin nila ang isang Pilipino na ginawaran ng Nobel prize.