Maria Ressa, naghain ng apela sa korte kaugnay ng naging hatol ng hukuman sa kanyang kasong cyberlibel

Naghain na ng kanilang “Motion for Partial Reconsideration” sina Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler Researcher-Writer Reynaldo Santos kaugnay sa naging hatol sa ng korte sa kanilang kasong cyberlibel.

Sa isang daan at tatlumpu’t dalawa (132) na pahinang mosyon sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46, umapela sina Ressa at Santos kay Judge Rainelsa Estacio-Montesa na i-rekonsidera ang hatol.

Dahil sarado pa ang Manila RTC na nasa ilalim ng lockdown, ang mosyon ay ipinadala ng mga abogado nina Ressa at Santos mula sa Free Legal Assistance Group (FLAG) sa pamamagitan ng email.


Sa naturang mosyon, 13 argumento ang nakalatag dito at nakasaad ang anila’y ilang “errors” sa naging hatol na “guilty” ni Judge Montesa noong June 15, 2020.

Kabilang na rito ang usapin kung public figure ba ang nagsampa ng kaso na si Wilfredo Keng dahil isang private complainant anila si Keng.

Nag-ugat kasi ang pagsasampa ng kaso ni Keng nang idawit siya sa iligal na droga, human trafficking at murder.

Bukod pa ang isyu ng republication dahil unang nalathala ang istorya laban kay Keng noong May 2012 at in-update noong February 2014.

Sa mosyon, binanggit din na nabigo si Judge Montesa na magbigay ng reference na sumusuporta na ang isang update ay republication ng isang article.

Ang iba pang kinukwestyon sa hatol ng hukom ay ang usapin ng Prescription Period of Libel at iba pa.

Sina Ressa at Santos ay hinatulan ng korte ng pagkakakulong mula anim na buwan hanggang isang taon, at pinagbabayad din ng kabuuang ₱400,000 na danyos.

Pero nakapaglagak na ng piyansa si Ressa kaya pansamantala siyang nakalaya.

Facebook Comments