Cauayan City, Isabela – Malamang ay lasing si Maria Sofia Love bago niya ginawa ang viral video na nagdudulot ngayon ng mga negatibong reaksiyon mula sa mga netizens.
Ito ang isahang pahayag ng presidente at bise presidente ng Cauayan Bamboo Gay Association sa ginawang panayam ng RMN Cauayan News Team.
Sa pagtungo ng RMN News sa magkatabing parlor na kanilang pinamamahalaan sa lungsod ng Cauayan ay sinabi nina Sandy Rianne Toquero at Jess Torma Tolentino, presidente at bise presidente ng grupong LGBT ng Cauayan ay kanilang ipinahayag na mali ang ginawang video ng sikat na LGBT icon.
Ipinaliwanang ni Jess Tolentino na hindi akma ang lugar, kasuutan, at pagdakma sa maselang bahagi ng katawan habang sinasayawan ng naka one piece ang Lupang Hinirang ni Love.
Sabi pa na ang pagpapatugtog ng Lupang Hinirang ay angkop lamang sa mga eskuwelahan at mga okasyon na hindi sa loob ng kuwarto at may kasabay na kalaswaan. Mas mainam pa ika kung ibang musika ang pinatugtog habang ginagawa ang video.
Ang dalawang nakapanayam ng RMN Cauayan News Team ay personal na kakilala at madalas makaugnayan ni Maria Love at sinabing posibleng epekto ng hormonal imbalance at psychological problem ang ginawa nitong video. Ipinaliwanang ni Toquero at Tolentino sa RMN News na kasama kasi sa pagsailalim sa sex change ay ang phsychological support at regular na hormonal intakes na posibleng makaapekto sa takbo ng utak ng isang tao.
Sa ngayon ay hinihintay ng dalawa ang pagpublic apology ng kasamahan nilang transgender.
Magugunita na bilang reaksiyon sa pambabastos sa pambansang awit ng Pilipinas ay kinansela ng Department of Foreign Affairs ang passport ni Love batay sa kanyang paglabag sa R.A. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines habang patuloy pa rin ang mga negatibong reaksiyon ng netizens sa kanyang ginawa.