Inihayag ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na itutuloy na nila ang pagbubukas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) Testing Center sa darating na Biyernes kahit walang pahintulot mula Department of Health (DOH) kung saan nanindigan ang alklade na ini-invoke na ng Marikina City Government ang kanilang Local Autonomy na Mandato ng bawat Lokal na Pamahalaan sa oras na National Emergency.
Ayon kay Mayor Teodoro kung idedemanda umano siya ng DOH sa tingin nito mas malaking kasalanan sa batas at tao ang kawalang aksyon ng DOH ngayon dahil buhay ang maraming nawawala dahil sa COVID-19.
Ipinunto pa ng alkalde ang Section 16 ng Local Government Code na nagsasabing bawat Local Government Units (LGUs) maaari nilang gamitin ang kanilang kapangyarihan kung kinakailangan para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko.
Giit ni Teodoro, matagal na silang naghihintay sa approval ng DOH at sumunod naman sila sa lahat ng hinihingi nilang protocol at sa standard na sinasabi ng DOH, maging ang kanilang rekomendasyon at findings na nakita nila sa unang laboratoryo na itinayo ng Marikina City Government, tatlong linggo na ang nakakaraan.
Inaasahan ng alkalde na sa pagbubukas ng Marikina Testing Center sa Biyernes ay daragdag ang magpapa-test dito sa Marikina COVID-19 Testing Center kung saan ito umano ang kanilang strategy upang malabanan ang COVID-19.