Marikina City government, nakakolekta ng mahigit P2.6 na bilyong piso sa kabila ng pandemya

Umaabot sa P2.635 billion na total gross collection para sa taong 2021 ang nakolekta ng Marikina City government o 96 percent sa P2.745 billion target ng lungsod.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Marcy Teodoro, sa kabila ng nararanasang pandemya, ang 2021 tax collection rate ay pumalo sa 96 percent kung saan ay patunay lamang umano ito na mataas pa rin ang tiwala ng mga Marikenyo sa kanyang liderato at pamamahala.

Giit ng alkalde na nakatuon ang kanyang administrasyon sa pagbawi o pagrekober mula sa pandemya na lubhang napakahirap umanong isakatuparan dahil na rin sa maliit na taunang pondo ang bahaging nakalaan sa kanyang administrasyon.


Dagdag pa ni Teodoro, hindi umano madali ang pagkalap ng mga buwis ngayon sa nararanasang pandemya kaya’t ang kanilang mga estratehiya ay magbigay ng mga tax relief, tax amnesty, at tax discounts dahil napakahalaga umano na ang bawat negosyo ay hindi magsasara upang hindi maisakripisyo ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho.

Paliwanag pa ng alkalde na lahat ng pamilya ay dapat mayroong hanapbuhay o pagkakakitaan upang mayroon silang pambili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, kanilang mga anak at mga nakatatanda ay mapangangalagaan.

Facebook Comments