Planong kasuhan ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang pamunuan ng Angat Dam dahil sa hindi umano sila naabisuhang magpapakawala ng tubig sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Ayon sa Alkalde, ang mga tubig na pinapakawalan sa Angat Dam ay nakakonekta pa rin sa mga daluyan ng Marikina River kaya mabilis ang pagtaas ng tubig sa ilog.
Aniya, nasa 18 metrong taas ng tubig mula sa Bagyong Ulysses ang kanilang pinaghandaan pero dahil sa pinakawalang tubig sa Angat Dam kaya mabilis ang pagtaas ng baha.
Giit ni Reodoro, dahil sa kapabayaan, nasa ilalim na ngayon sa state of calamity ang Marikina.
Aabot aniya sa P10 bilyon ang pinsala sa imprastraktura habang P30 bilyon naman sa negosyo.
Nabatid na bahagi ng protocol ng National Power Corporation na apat na oras bago ang pagpapakawala ng tubig sa dam ay nararapat na masabihan ang mga apektadong lokal na pamahalaan.
Pero paglilinaw ng korporasyon, hindi kasama sa inabisuhan ang Marikina City Government dahil hindi kasama ang lungsod sa mga lugar na nasa listahan ng mga lugar na pupuntahan ng tubig ng Angat.