Handa si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na harapin ang reklamong isasampa sa kanya dahil sa pagbubukas ng testing facility ng COVID-19 kahit wala pang akreditasyon ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Teodoro, aminado siya na nilabag niya ang batas noong buksan niya ang COVID-19 testing center sa Barangay Concepcion Uno noong Biyernes.
Sa ilalim ng republic act 4688, kinakailangan ang kahit sinong indibidwal ng permit mula sa DOH para makapag-operate ng clinical laboratories habang hindi naman kasali sa batas ang government-run hospital laboratories.
Una nang sinabi ni DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaaring magdulot ng ‘undue harm’ ang ginawang hakbang ng Marikina Mayor.
Dagdag pa nito, nasa 80% hanggang 90% pa lamang kumpleto ang naturang laboratoryo at dadaan pa ang mga personnel nito sa safety training na inayos ng doh sa susunod na linggo.
Sa interview ng RMN Manila, ipinagtanggol ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian si Marikina Mayor Marcelino Teodoro.
Giit ni Gatchalian, sa panahon ng krisis, bukod sa pagiging regulator, dapat din ituring ng doh na partner ang mga lgus at turuan sila ng tamang gawin.
Una nang nanindigan si Teodero na ang kanilang mga personnel ay kwalipikado dahil sumailalim din sila sa training ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).