Pagpapaliwanagin ng Senado ang Maritime Industry Authority (MARINA) at ang Commission on Higher Education (CHED) kaugnay sa kakulangan ng sapat na pagsasanay at edukasyon ng ating mga marino.
Kasunod na rin ito ng banta ng European Union (EU) na ipagbawal na ang tinatayang 50,000 Filipino seafarers dahil na rin sa report ng European Maritime Safety Agency (EMSA) na maraming pagkukulang ang mga awtoridad ng Pilipinas para siguraduhin na sapat ang maritime education at training ng mga Pilipinong marino.
Sa inihaing Senate Resolution 279 ni Senator Risa Hontiveros, pinabubusisi nito ang mga aksyon na ginawa ng MARINA at CHED para paghusayin pa ang kalidad ng training at edukasyon ng mga Pinoy seafarer.
Aniya pa, taong 2006 ay nasita na ng EMSA ang maritime training sa bansa pero lumilitaw na mayroon pa rin mga pagkulang gaya ng kabiguan umano ng CHED na magsapinal ng program design ng maritime courses.
Nagbabala pa si Hontiveros na bukod sa 50,000 mga seafarer na nanganganib mawalan ng hanapbuhay, posibleng maapektuhan din ang nasa 400,000 Pilipinong marino sa buong mundo dahil ang kanilang kakayanan at reputasyon ay makukwestyon.
Malaki aniyang kawalan ito sa bansa lalo’t batay sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nasa $6.54 billion US dollars ang kanilang ambag sa ekonomiya ng bansa noong 2021.